Chapter 3
"WELCOME to my life, son."
Sunod-sunod na napabuga ng mararahas na hininga si Dean habang pilit na itinataboy ang ilang mga mapapait na alaala sa isipan. Pinagmasdan niya ang nahihimbing na ama. Inabot niya ang isang kamay nito. "Aren't you tired of sleeping, old man? It's been almost five years. Gumising ka na. Iparamdam mo naman sa akin na may kakampi pa ako. Na may natitira pa sa buhay ko. Hindi ka na naging patas sa akin mula pa pagkabata. Hanggang ngayon ba naman?"
Linggo ng araw na iyon. Iyon lang ang pahinga ni Dean sa trabaho dahil kahit Sabado ay pumapasok siya sa kompanya para i-distract ang sarili. Wala namang problema sa bagay na iyon dahil kahit si Adam ay ganoon rin. Kanya-kanya nga lang siguro sila ng dahilan.
Ang Linggo ay inilalaan talaga ni Dean para sa mga magulang. Sa ospital siya naglalagi sa umaga para tingnan ang lagay ng kanyang ama habang sa sementeryo naman siya sa hapon para dalawin ang kanyang ina na sa probinsya orihinal na nakalibing. Pero ipinalipat ng kanyang ama sa Maynila ang libingan nito noong disiotso anyos siya. Sa bahay, opisina, ospital at sementeryo lang umiikot ang mundo niya. At sa palagay niya ay hanggang doon na lang iyon.
Dahil may iba mang pinapangarap si Dean na pagbuhusan ng atensyon ay doon pa sa ipinagbabawal. Kaya hangga't hindi pa nawawala ang pagmamahal niya para sa ipinagbabawal na iyon, mananatiling ganoon ang buhay niya. Monotonous.
Ang kaalaman na hayun at humihinga pa ang ama ni Dean ang siya na lang nagbibigay kahit paano ng pag-asa sa kanya. Hindi sila malapit sa isa't isa pero ito na lang ang natitira sa kanya kaya dito siya kumakapit. Dahil bukod rito ay wala na siyang makakapitan. Ang ama ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat ay nananatili siya sa ATC sa kabila ng hirap na pinagdaraanan niya roon at sa pamilya nito. Pamilya lang nito dahil kahit minsan ay hindi ipinaramdam sa kanya ng asawa at anak nito na kabilang siya sa mga ito.
Dean had always been an outsider from the very beginning. Siya ang lihim ng pamilya Trevino na hindi pwedeng mabunyag dahil para sa mga ito ay isa raw iyong napakalaking kahihiyan. Anak siya sa ibang babae ni Bernardo Trevino. Isa iyong typical na kwento ng ipinagbabawal na pag-ibig. Isang dating cook sa mansyon ng mga Trevino ang kanyang ina na nagmahal at minahal rin ng isang may-asawang lalaki Nang matuklasan ni Leonna, ang legal na asawa, ang relasyon ng mga ito ay pinalayas nito ang kanyang noon ay buntis nang ina.
Itinago si Dean sa isang malayong probinsya ng kanyang ina at doon pinalaki kasama ni tiya Dolores, ang biyuda at nakatatandang kapatid nitong babae. Maayos naman ang lahat sa kabila ng simpleng pamumuhay nila. Pero isang araw ay inatake sa puso ang kanyang ina na siyang ikinamatay nito. Naiwan siya kay tiya Dolores na siyang nagpaalam sa kanya ng tungkol sa totoo niyang pagkatao. Noong nabubuhay pa ang kanyang ina, kahit pa puro positibong mga bagay ang ikinukwento nito tungkol sa kanyang ama ay hindi naman nito ni minsan binanggit ang pangalan niyon kahit pa nga ang larawan niyon ay hindi nito ipinakita sa kanya. At masakit para kay Dean na hanggang kamatayan nito ay naglilihim ito sa kanya. Parati nitong ibinibilin sa kanya noon na makuntento na siya sa mga bagay na mayroon siya.
Pero paano ba makukuntento ang isang bata na kapos ang nalalaman tungkol sa pagkatao?
Noong panahong iyon ay may bago nang karelasyon ang tiya Dolores ni Dean pero sa ibang bansa iyon naninirahan. Gusto ng tiya niya na sumunod na sa boy friend nito sa Amerika pero ayaw ng lalaki na may ibang bagahe itong dala. At siya ang bagaheng iyon. Kaya ipinaalam sa kanya sa wakas ni tiya Dolores ang tungkol sa kanyang ama para hindi raw siya maiwang mag-isa. Sa kabila ng galit nito sa kanyang ama ay dinala siya nito sa mansyon ng mga Trevino at ipinakilala roon.
Mapalad na lang silang magtiyahin na nagkataong nasa mansyon noong araw na iyon ang kanyang ama kaya sila nakapasok roon. Kung si Leonna ang naabutan nila ay siguradong agad na silang pinaalis
roon.
At doon na nabago ang buhay ni Dean. Gaya ng inaasahan ay galit na galit si Leonna nang matuklasan ang tungkol sa kanya lalo na nang makumpirmang kadugo niya si Bernardo Trevino sa pamamagitan ng DNA tests na dalawang ulit pang ipinagawa ni Leonna. Ipinagpilitan ni Bernardo na manatili siya sa mansyon. Pero may kondisyon raw iyon ayon kay Leonna. Kailangang palabasin na ampon lang siya dahil hindi raw nito matatanggap na kilalanin rin siya ng publiko na kahanay ni Adam. Bukod pa roon ay bunga lang raw siya ng pagtataksil ng kanyang ama at ng kabuktutan ng kanyang ina.
Isa siyang kahihiyan na karapat-dapat lang raw itago mula sa mga tao. Pinagtalunan iyon nina Leonna at Bernardo sa mismong harap nila ni Adam noong unang araw mismo ng pagdating niya sa mansyon ng mga Trevino. Dahil sa matinding kahihiyan at panliliit na nararamdaman ay si Dean na ang kusang nagpauna na tatanggapin niya ang kondisyon ni Leonna. Doon na natapos ang usapan.
Tinanggap si Dean ng kanyang ama at naramdaman niyang minahal din siya nito. Hindi niya nga lang magawang hayaan ang sariling makalapit rito ng tuluyan dahil madalas ay nasasalubong niya ang nagbabagang mga tingin sa kanya ni Leonna na kabaliktaran sa puno ng kalamigang mga titig sa kanya ni Adam. Sa harap ng lahat ay maganda at buo ang pamilya Trevino. Ang mga kasambahay lang ang siyang nakakaalam ng totoo.
Noong unang nakita ni Dean si Selena sa mansyon ang ika-apat na araw ng paninirahan niya roon. Iyon ang mga panahong gusto niya nang tawagan ang tiya Dolores niya at magmakaawa na kunin na lang siya dahil sa kabila ng mga materyal na bagay na tinatamasa ay wala siyang makapang saya sa puso niya. Paulit-ulit na ipinapamukha sa kanya ni Leonna na hindi siya nababagay roon. Hindi niya na maatim ang mga sinasabi nito patungkol sa kanyang ina. Pero nakita niya si Selena. Bukod sa kanyang ama ay naging isa ang dalagita sa da-dalawang rason kung bakit nagpasya siyang manatili sa mansyon.
Isa pa, saan nga ba siya pupunta noon kung sakali? Pareho nang sumakabilang-buhay ang mga magulang ng kanyang ina at wala na itong iba pang kaanak maliban kay tiya Dolores. Duda rin si Dean kung magagawa niyang lumapit sa tiya Dolores niya na noon ay handang-handa nang umalis papuntang Amerika. Alam niyang mahal siya ng tiyahin pero hindi niya rin makayanan na hindi ito makaalis o hindi maging matagumpay ang relasyon nito sa lalaking mahal nito nang dahil lang sa kanya.
He was stuck with the Trevinos.
Even until now.
Hanggang high school lang ang inabot ni Dean sa probinsyang pinanggalingan dahil kapos na ang pera nila noon para mapag-aral siya. Kaya nang makarating sa Maynila ay disiotso na siya nang maka-enroll sa kolehiyo. Pero nagsumikap siya ng husto para makapagtapos.
Ilang bwan pa lang simula nang magtrabaho si Dean sa ATC ay bumukod na siya ng tirahan kahit pa pinagbawalan siya ng kanyang ama. Tinanggap niya ang pagiging Executive Assistant ni Adam, isang bagay na mismong si Leonna ang nagpumilit sa kanya nang ma-comatosed ang kanyang ama bilang pagtanaw niya man lang raw ng utang na loob sa ginawang pagtanggap ng mga ito sa kanya sa mansyon at bilang kabayaran sa nangyari sa kanyang ama.
Pwede naman sanang umalis si Dean at magtrabaho na lang kung tutuusin sa ibang kompanya tutal ay maraming nag-aalok sa kanya ng trabaho mula pa nang maka-graduate siya bilang summa cum laude sa kolehiyo. He just wanted to escape, to be freed from the Trevinos. That was his original plan. Gusto niya nang mamuhay ng malaya.
Dahil kahit pa bumukod na siya ay nakatali pa rin siya sa pekeng mundo ng mga Trevino. Sa bawat okasyon ay kailangan parating naroroon siya kasama ng buong pamilya para ipakita sa lahat ang pagiging mapagkawanggawa nina Leonna tungkol sa pag-ampon sa kanya.
Gusto ni Dean na tumakas mula kay Leonna, mula sa hindi nito ikinakailang napakababang pagtingin sa kanya at sa maya't mayang pang-aalipusta nito sa kanyang ina, mula kay Adam na ni minsan ay hindi niya naramdamang itinuring siyang kapatid kahit pa parati itong pormal at wala namang sinasabi sa kanya at higit sa lahat, mula sa alta-sosyedad na hindi niya naman gustong kabilangan una pa lang. Nang ipinaalam ni Dean ang plano sa kanyang ama ay nagalit ito sa kanya. Para raw sa kanila ni Adam ang bahagi nito sa ATC. Kaya hindi siya pwedeng umalis roon dahil naghirap rin daw ito sa pagpapalago niyon kasama ang mga Avila. Pero hindi siya nakinig. Paalis na siya noon papuntang Amerika, papunta sa tiya Dolores niya na sa nakalipas na mga taon ay nanatili ang komunikasyon sa kanya.
Gusto niyang magpunta sa isang lugar na hindi na pupunahin ng mga tao kung sino siya. Desperado siyang malayang makagalaw nang walang nasasalubong na mga mata ng publiko na kung tumingin sa kanya ay puno ng pekeng konsiderasyon, na nagpapaalala na dapat niya raw pasalamatan ang mga taong umampon sa kanya at nagbigay ng panibagong buhay sa isang tulad niya lang. Pero naaksidente ang kotseng minamaneho ng kanyang ama nang tangkain nitong sundan siya sa airport noon.
Hindi na natuloy pa sa Amerika si Dean. Na-comatosed ang kanyang ama. Bumalik siya sa ATC na puno ng pagsisisi. Nangako siya sa sariling hindi na muling aalis roon para makabawi sa pinagdaanan ng kanyang ama nang dahil sa kanya. At sa nakalipas na mga taon ay lalong lumaki ang galit sa kanya ni Leonna.
Halos limang taon na simula nang mangyari ang aksidente pero sariwa pa rin ang lahat sa kanyang isipan. Sariwa pa rin ang lahat ng sakit. Naglahong parang bula ang kagustuhan niyang lumaya. Para siyang ibon na boluntaryong nagpatali at nagpakulong sa isang hawla.
But there were days... days like this when he still dream to be freed. Hindi lang mula sa mga Trevino kundi mula sa emotional damage na bata pa lang siya ay baon niya na sa puso niya. Dahil napapagod na rin siya.
"If this is your way of making me stay, then you don't have to do this, dad. Hindi ako aalis. Hindi na. Basta gumising ka lang. Tatanggapin ko na 'yong buhay na 'to. Just please... save me from this guilt. Masyado nang maraming nakaimbak na negatibong emosyon sa puso ko. Palayain mo naman ako kahit mula sa isa man lang sa mga 'yon. Utang na loob, dad." Naghihirap na bulong ni Dean. Bahagyang humigpit ang pagkakahawak niya sa palad ng ama.
Ilang sandali pang nanatili roon si Dean. Palabas na siya ng ospital nang mag-ring ang cell phone niya. Sa kabila ng pagtataka niya sa nakitang caller ay bumilis pa rin ang tibok ng puso niya. Mabilis na sinagot niya ang tawag. "Selena, Adam is not with me right now so I can't really tell you anything about him-"
"You silly guy." Nagulat si Dean nang makarinig ng marahang pagtawa sa kabilang linya. "Ikaw talaga ang tinawagan ko. Are you busy right now?"
Never too busy when it comes to you, Selena. Bulong ng puso ni Dean pero iba ang isinagot niya. "Not really."
May isang napakahalagang bagay siyang na-realized mula sa naging relasyon ng mga magulang. Ang bawal, kahit na anong gawin mo ay mananatiling bawal pa rin. Ang mali ay mananatiling mali. Bukod pa roon ay paulit-ulit na ipinapaalala sa kanya ni Leonna ang mga limitasyon niya, kung hanggang saan lang siya dapat na lumugar sa buhay ng mga Trevino.
And obviously, Selena, being Adam's fiancée, was a forbidden territory. Pero kahit sa araw lang na iyon, pagbibigyan ni Dean ang sarili. Kahit ngayon lang, pagbibigyan niya ang puso niya. Bukas niya na iisipir ang mali.
Dahil minsan, kung ano pa ang tama, iyon pa ang mas mahirap panindigan. Iyon pa ang mas nakasasakit ng husto. Iyon pa ang mas nakasasakal. At sa araw na iyon, ayaw niya na munang masakal.[